-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Naniniwala ang Filipino community sa Israel na wala pang mangyayaring repatriation sa kabila ng lumalalang tensyon sa pagitan ng Israel at Palestine.

Ayon kay Winston Santos, founder at managing director ng National Alliance of Filipino community sa Israel, sa loob ng halos 20 taong pananatili sa nasabing bansa ay maraming beses na siyang nakaranas ng airstrike ng Israel at Palestinian militant groups bagay na mistulang nasanay na sila.

Nababahala aniya ang karamihan sa mga Pinoy dahil kumpara noong mga nakaraang taon naging sunud-sunod ang rocket attack ngayon.

Sa kabila nito, nananatiling ligtas umano at walang napabalitang nadamay, nasugatan o naapektuhan sa mahigit sa 31,000 Filipino na legal na nagtatrabaho at nakatira sa mga malalaking siyudad sa bansa kagaya ng Tel Aviv, Jerusalem at Haifa.

Dagdag pa ni Santos, halos lahat ng mga apartment building sa Israel ay may tinatawag na communal bomb shelter na pinagtataguan sa oras na makarinig ng sirena na hudyat na may paparating na rocket ng militanteng Hamas.

Maliban dito, may Iron Dome system aniya ang Israel na kayang mag-intercept ng mga paparating na rockets.

Samantala, sa walang tigil na palitan ng rocket attack ng magkabilang panig, maaaring pumagitna umano ang international community para magkaroon ng tigil-putukan at maiwasan ang pinangangambahang full scale war.