-- Advertisements --

DAVAO CITY – Makikipagkita rin si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Filipino community sa Singapore kasabay ng pagbisita nito sa darating na Septyembre 6 hanggang 7.

Sa panayam ng Bombo Radyo Davao kay Bombo international correspondent Pevee Leuna, kinumpirma nito na fully booked na umano ang venue kung saan isasagawa ang meeting kasama si PBBM sa Setyembre 6 kung saan tatagal lamang umano ng dalawang oras ang pakikipagkita at pakikipag-usap nito.

Isasagawa ang nasabing aktibidad sa isang auditorium sa Singapore.

Tinatayang aabot sa 5,000 hanggang 6,000 ang capacity ng venue na fully booked na sa pagkakataong ito.

Dagdag pa ni Leuna, bilang pagbibigay suporta sa pangulo, magsusuot ng pulang T-shirt ang Filipino community na excited nang mapakinggan ang mga programa ng pangulo.

Kung maalala, una nang sinabi ni Press Sec. Cruz Angeles na bibisita si PBBM sa Indonesia sa Setyembre 4 hanggang 6, bago ito tutungo sa Singapore.