-- Advertisements --

VIGAN CITY – Ilang miyembro ng Filipino community sa Switzerland ang umano’y nakiisa sa isinagawang kilos protesta sa capital city na Bern hinggil sa gender equality pay sa pagitan ng mga lalaki at babaeng empleyado.

Sa ulat ni Bombo international correspondent Vangie Sarmiento na tubong Magsingal, Ilocos Sur ngunit nakatira na sa Switzerland at nagtatrabaho bilang saleslady, gusto aniya nila na patas ang sahod na kanilang matanggap sa sahod ng mga lalaking nasa kapareho nilang trabaho.

Kuwento nito na noong unang magtrabaho sa kompanya kung nasaan siya ngayon ay naranasan niya ang diskriminasyon ngunit hindi naman siya inaabuso o sinasaktan.

Dagdag pa ng nasabing Pinay na kung ikokompara sa mga kilos protesta sa ibang bansa, ang kilos protesta sa Switzerland ay hindi masyadong magulo dahil hindi naman agresibo ang mga nagpoprotesta.

Sa ngayon, umaasa si Sarmiento kasama ng marami pang kababaihan sa Switzerland na sa lalong madaling panahon ay maisabatas na ang panukala hinggil sa gender equality pay.