-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Tiwala ang Filipino community sa Netherlands na madepensahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang sarili sa muling pagharap nito sa International Criminal Court chamber sa September 23, 2025.

Ayon kay Bombo International News Correspondent Jorge Gantalao Comaling sa The Hague, Netherlands ay matyaga nilang inabangan ang pagdating ng dating presidente hanggang sa pre-trial nito sa ICC.

Bilang overseas Filipino’s, nilinaw nito na wala silang political identity na nagmula sa iba’t ibang grupo at organisasyon sa kontinenting Europa kundi bulontaryong nagpapakita lamang aniya ang mga ito ng suporta sa dating lider ng bansa na nasasakdal sa kasong crimes against humanity.

Nakakalungkot lamang aniya na tila walang tiwala ang gobyerno sa justice system ng bansa kung kaya’t kinailangan pang iharap sa banyagang hukuman ang nasasakdal na kauna-unahan sa kasaysayan ng Pilipinas.

Sa kasalukuyan aniya ay nagpaplano ang mga ito na mag-organisa ng event para sa nalalapit na kaarawan ni dating Pangulong Duterte sa darating na March 28.

Nabatid na inaresto ang dating lider ng bansa ng International Criminal Police Organization (Interpol) katuwang ang Philippine National Police matapos na isilbi ang warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) kung saan, humarap siya sa pre-trial hearing noong Biyernes ng gabie, March 14 oras sa Pilipinas.