Nakuha ng mga Filipino Curlers ang kauna-unahang gintong medalya sa Asian Winter Games matapos talunin ang South Korean team sa Finals match ngayong araw, Pebrero-14.
Dinumina ng Pinoy team na binubuo nina Marc Pfister, Christian Haller, Enrico Pfister, Alan Frei, at Benjo Delarmente ang naging laban at naibulsa ang 5-3 win laban sa mga Korean.
Ginanap ang championship match sa Pingfang Curling Arena kung saan paboritong manalo ang SoKor team.
Unang tinalo ng mga Filipino curler ang host country na China sa semifinals sa score na 7-6 habang tinambakan naman ng South Korea ang Hong Kong sa score na 13-2.
Ito ang unang pagkakataon na makakuha ang Pilipinas ng medalya sa winter sports competition mula nang mag-umpisa ito noong 1990.
Itinuturing naman ng SoKor na isang malaking upset ang nangyari matapos nilang mapanatili ang malinis na record sa group round at otomatikong na-qualify sa semis.
Sa buong resulta ng naturang event, gintong medalya ang maiuuwi ng Pilipinas, silver ang hawak ng SoKor, habang bronze medal naman ang naibulsa ng host country na China matapos nitong talunin ang Hong Kong sa 1st runner-up match.