Opisyal ng inilunsad ngayong araw ng Biyernes, Marso 21 ang Filipino Food Month (FFM) na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa Department of Agriculture (DA), National Commission for Culture and the Arts (NCCA), Philippine Culinary Heritage Movement
Ito na ang ikapitong taon ng selebrasyon ng Filipino Food Month o Buwan ng Kalutong Pilipino mula ng simulan ang event na ito noong 2018 sa bisa ng Presidential Proclamation 469.
Sa ilalim nito, idineklara ang buwan ng Abril bilang Filipino Food month na layuning pahalagahan at pangalagaan ang Filipino culinary heritage.
Sa media launch ng Filipino Food Month ngayong araw, ipinunto ni PH Culinary Heritage Movement founder Jose Antonio Melchor na ang Filipino Food month ay hindi lamang isang taunang selebrasyon kundi isang call to action para protektahan, ipreserba at i-empower ang lokal na magsasaka at food artisan na siyang nagsisilbing stewards ng ating culinary heritage.
Kasabay nito, inilunsad din ngayong araw ang bagong logo para sa Filipino Food Month na nakabase sa kulay ng watawat ng Pilipinas na sumisimbolo sa mga pagkain sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Isasagawa naman ang kick off ceremony para sa Filipino Food Month sa Abril 4, sa capital grounds ng Quezon province. Isa sa highlights ng FFM ang Philippine Food Festival mula April 25 hanggang 27.
Magsasagawa din ng mga aktibidad may kinalaman sa Filipino Food Month sa mga rehiyon na in-organisa ng DA Regional Field Offices (RFOs) para ipamalas ang kanilang local culinary heritage.