Naihatid na sa huling hantungan si Sergeant First Class Cydrick Garin, ang Pilipinong miyembro ng Israel Defense Forces (IDF) na napatay sa operasyon sa Gaza.
Ang libing kay Garin sa Tel Aviv ay dinaluhan ng kanyang mga kaibigan, pamilya, at kasamahan na pinarangalan siya para sa kanyang katapangan at sakripisyo.
Ang 23-anyos na si Garin, na isang reservist, ay kabilang sa 21 miyembro ng IDF na napatay sa isang pagsabog sa Gaza na isinisisi sa mga militanteng Hamas noong Enero 22.
Ayon sa Israel Embassy, ang mga magulang ni Garin ay kapwa Pilipino na kung saan ang kanyang ina ay tubong Isabela na nakatira ngayon sa Tel Aviv habang ang kanyang ama ay mula sa General Santos City.
Si Garin ay ipinanganak sa Pilipinas at nandayuhan sa Israel kasama ang kanyang ina na si Imelda noong siya ay dalawang taong gulang pa lamang.
Ang ama ni Garin na si Enrico Cruz Basilio ay bumiyahe sa Israel noong Miyerkules para dumalo sa libing ng kanyang anak.
Sa ngayon, humihingi pa rin ang pamilya Garin ng privacy at oras upang makapagnilay nilay sa pagkawala ni Sergeant First Class Cydrick Garin.