Nagbigay paalala ang Department of Migrant Workers sa publiko lalo na sa mga Pilipinong nais magtrabaho abroad na mag-ingat sa mga proseso ng kanilang aplikasyon.
Kasabay nito ang pagpayo ng naturang kagawaran sa mga job seekers na maging mapanuri partikular sa mga nag-aapply ng hanapbuhay sa Korea na hinihingan pa ng sobrang training fees bago makaalis.
Sa isang pampublikong pahayag, hinikayat ng Department of Migrant Workers ang mga Pilipinong manggagawa na kumuha ng language training programs sa mga accredited at may permit na institutions lamang.
Kung saan ayon sa kagawaran, ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ay may listahan ng Technical Vocational Institutions at TESDA Technology Institutions na maaring puntahan.
Mayroon raw kasing mga alok o available rito na Korean Language Proficiency courses na siya namang kinakailangan ng mga nais magtrabaho sa Korea.
Gayunpaman, patuloy ang paalala ng Department of Migrant Workers na i-report kaagad sa kanilang tanggapan ng DMW Migrant Workers Protection Bureau sakali mang makaenkwentro ng sitwasyong may kahina-hinalang gawain tulad rin ng illegal recruitment at sobrang pagkolekta ng bayad sa kanilang training o aplikasyon.