-- Advertisements --

Dumanas ng technical knockout(TKO) si Filipino MMA fighter Fritz Biagtan sa kamay ni South African striker Edson Machavane.

Sa paghaharap ng dalawa sa ilalim ng Flyweight Division ng One Championship, hindi nakabawi ang Filipino fighter matapos siyang magtamo ng malalim na sugat sa kaniyang noo sa ikalawang round, daan upang tuluyan nang ipatigil ang laban.

Tumama kasi sa kanang siko ni Machavane sa noo ni Biagtan at sa loob lamang ng ilang segundo ay duguan na ang kaniyang mukha.

Nais pa sana ng Pinoy fighter na ituloy ang laban ngunit nagdesisyon na ang official doctor ng One Championship na tuluyan itong ipahinto, 35 secs lamang mula nang magsimula ang ikalawang round.

Ang pagkatalo ni Biagtan ay ikalawa na sa kaniyang karera bilang professional MMA fighter sa One Championship, habang nananatili sa tatlong laban ang kaniyang naipanalo. Sa tatlong laban na ito, dalawa ang nagawa niyang maipanalo sa pamamamagitan ng knockout.

Sa panig naman ni Machavane, ito ang kaniyang unang panalo sa ilalim ng One Championship.

Ginanap ang laban ng dalawa sa Lumpinee Boxing Stadium sa Bankok, Thailand, ang nagsisilbing sentro ng Muay Thai sa naturang bansa.