Wagi ang 25-year old motorcycle racer na si April King Mascardo sa katatapos na Asia Road Racing Championship 2022 sa Buriram, Thailand.
Ang Asia Road Racing Championship ay nagsimula noong 1996 bilang isang Asian-wide initiative boost para sa pag-unlad ng motorcycle racing sa Asya.
Sa paligsahang ito, nakamit ng Davao racer ang Race 1 Round 5 champion title matapos nitong talunin ang mahigit 20 na mga kalahok sa Underbone 150cc category.
Nakuha naman nito ang 3rd place overall champion title sa buong kompetisyon.
Sa exclusive interview ng Star FM Baguio sa Filipino racer, ikinuwento nito ang kaniyang karanasan sa nasabing kompetisyon at reaksyon nito ng pinatugtog ang National Anthem ng Pilipinas. Nabanggit din nito na sumabak muna sila sa mga trainings bago ang kompetisyon.
“Sobrang saya ko ‘nun dahil yung pinaghirapan ng buong team ay sulit at saka worth it lahat ng pagod ng mga boss namin, yung mga training na ginawa namin sa Manila. Ang pinaka best na memory ko is yung pinatugtog ang bandera natin ng PIlipinas. Yun ang part na sobrang mapapaiyak lahat ng Pilipino na napatugtog natin ang Philippine National Anthem sa ibang bansa. Bago kami pumunta sa Asia Road Racing Championship, nagkaroon kami ng cross training, para ready kami. Ginawa namin lahat para sa pagsalang namin sa Asia, 100% po tayong conditioned.”
Ito na ang pangalawang paglahok ni Mascardo sa naturang kompetisyon. Maaalala na noong 2015 ay nag debut ito bilang isang motorcycle racer noong siya ay kumarera sa rider development platform sa Suzuki Asian Challenge.
Nakamit niya ang second overall title noong 2017 sa three seasons ng kompetisyon.
Babalik sa ensayo at sasabak muli ang Filipino racer upang subukang makamit ang champion title sa susunod na Asia Road Racing Championship sa March 2023.