Naglabas ng abiso ang Department of Foreign Affairs (DFA) para sa mga Pilipinong nurse na naghahanap ng trabaho sa New Zealand na mag-ingat dahil kasalukuyang walang trabaho ang iniaalok para sa foreign nurses o Internationally Qualified Nurses (IQNs).
Ang naturang babala ay nagmula sa Embahada ng Pilipinas sa Wellington, New Zealand matapos mapag-alaman na may ilang mga indibidwal at mga agency na nag-aalok na mag-facilitate sa pag-hire ng mga dayuhang nurses sa pamamagitan ng pag-asikaso ng kanilang biyahe patungong New Zealand gamit ang visitor visa para makakuha ng Comprehensive Assessment Program (CAP) o Objective Structured Clinical Examination (OSCE) para sa mga nurse at makapag-apply kalaunan para sa registration ng Nursing Council of New Zealand.
Paglilinaw naman ng DFA na bagamat isang lehitimong poseso ang pagkuha ng naturang pagsusulit para makapag-practice ng nursing sa New Zealand, hindi aniya ito naggagarantiya ng trabaho dahil nakadepende aniya ito sa iba’t ibang factors gaya ng local demand para sa nurses at abilidad ng mga employer sa health sector na mag-hire.
Ayon pa sa embahada, nakatanggap sila ng mga ulat na may mga bumiyaheng Internationally Qualified Nurses sa New Zealand gamit ang visitor visa na pwersahang pinaalis ng bansa nang magpaso na ang kanilang visas dahil walang nahanap na trabaho dahil nga sa kawalan ng job opportunites ngayon doon para sa nurses.
Kaugnay nito, hinimok ng Embahada ang mga Pilipinong nurse na siguruhing mayroon ng trabaho na papasukan sa naturang bansa bago umalis ng Pilipinas kabilang na ang lehitimong job offer na may verified contract mula sa accredited employer at kaukulang working visa na inisyu ng Immigration ng NZ.