Kabilang ang mga Pilipinong nurse sa Singapore na nagtatrabaho na ng apat na taon o higit pa sa makatatanggap ng bonus mula sa pamahalaan ng Singapore na aabot sa SGD$100-K o higit 4 million pesos para sa mga nurse nito upang mapanatili ang kanilang pagta-trabaho sa public health system ng bansa.
Mayroon na kasing shortage ng mga nurse sa Singapore at bumibilis umano ang kanilang aging population dahil sa falling birthrates ng bansa.
Ayon kay Singaporean Health Minister Ong Ye Kung, aabot sa 29-K nurses ang makatatanggap ng bonus na makukuha nila sa kada apat hanggang anim na taon.
Nitong nakaraang taon lang ay inilunsad ng Singapore ang sign-on bonus na nagkakalahaga ng SGD$15-K o 624-K pesos para sa mga fresh nursing graduates na magta-trabaho sa public hospitals o clinics.
Kabilang sa makatatanggap ng bonus ang mga foreign nurses na nakapagsilbi na ng apat na taon sa public healthcare ng Singapore.
Karamihan sa kanilang foreign nurses ay nagmula sa mga karatig bansa nito tulad ng Malaysia, Myanmar, at Pilipinas.
Magsisimulang makatanggap ng bonus ang mga nurse edad 46 pataas bago matapos ang taon habang sa 2028 naman ibabahagi ang para sa 45 pababa.