-- Advertisements --

Overwhelmed pa rin ang Filipino singing champion na si Jeremiah Tiangco matapos maitampok ang kanyang kantang “Do You Wanna Do This” sa Miss Universe 2023.

Marami ang nagulat ng malaman nila na isang Pinoy ang boses sa likod ng kanta na ipinatugtog sa pagsisimula ng evening gown competition.

Sa exclusive interview ng Star FM Baguio sa 26-year-old singer, ibinahagi nito ang kaniyang naging audition, at ng mapili ay dapat pa sana itong ba-biyahe patungong El Salvador. Malaki ang pasasalamat ni Jeremiah dahil sa dami ng sumubok ay siya ang napili at narinig pa ang kaniyang boses ng buong “universe”.

“Wala po akong idea na audition pala ‘to for Miss Universe, so sinabihan lang ako ng handler ko na may audition. Hindi na ko umaasa eh kasi andaming stars na kasama sa audition. [Nung nakapasok ako], una, actually, ang sinabi nila, lilipad kami to El Salvador. Sobrang thankful lang po ako and blessed. Yun ang pinaka nararamdaman ko right now.”

Ibinahagi rin namin nito ang kaniyang mga goals sa kaniyang music career.

“More music pa. Makita pa [ng mga tao] yung artistry ko, yung passion ko for music, and gusto ko lang ding maging boses doon sa mga nahihiyang mga artists na ipakita kung ano yung unique na meron sila.”

Si Jeremiah ay nakilala matapos maging grand champion noong 2019 sa isang sikat na reality singing search sa bansa.