LEGAZPI CITY – Binigyang pugay ngayong araw ang kabayanihan ng mga Pilipinong sundalo at mga kaalyado nito na naging susi sa paglaya ng Bicol region sa kamay ng mga mananakop na Hapones, 74 na taon na ang nakakalipas.
Nabatid na Abril 1, 1945 ng dumaong sa Legazpi gulf sa Barangay Rawis ang 158th Infantry Regimental Combat team mula sa Estados Unidos na tumulong sa mga Pilipino na labanan ang Japanese forces.
Sa pahayag ni M/Gen. Fernando Trinidad, commander ng 9th Infantry Division, Philippine Army, kinilala nito ang sakripisyo at kabayanihan ng mga Filipino veterans na nakipaglaban para sa kalayaan.
Sa tulong ng US allies, muling nagkaroon ng access sa San Bernardino Strait, na pangunahing lagusan patungong Visayas na una nang na-kontrol ng mga Hapones.
Siniguro rin ng opisyal na ipagpapatuloy ng kanilang hanay ang pagprotekta sa mamamayang Pilipino upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong rehiyon.
Samantala, ayon kay Trinidad, patuloy ang pagbabantay ng mga sundalo laban sa mga criminal groups at communist terrorists na nagnanais magdala ng kaguluhan sa rehiyon.