Inilabas na ng Department of Agriculture ang Final Bulletin ukol sa El Nino Phenomenon na unang nanalasa sa buong bansa mula noong huling bahagi ng 2023 hanggang sa unang bahagi ng 2024.
Batay sa Final Bulletin, umabot sa P15.30 billion ang natukoy na danyos sa kabuuang pag-iral ng El Niño kung saan naapektuhan ang kabuuang 333,195 na mga magsasaka at mga mangingisda.
Umabot naman sa 270,855 hectares ng mga agricultural areas ang nakitaan ng pinsala, habang ang production loss ay umabot sa kabuuang 784,344 MT.
Ito ay binubuo ng 330,717 Metric Tons (MT) ng palay, 327,310 MT ng mais, 112,681 MT ng mga high value crop, at 2,320 MT ng cassava o kamoteng kahoy.
Sa mga palayan, umabot sa 109,481 ektarya ang naapektuhan mula sa kabuuang natamnan na 2,137,046.77 hectares.
Sa mga maisan naman, umabot sa 131,787 hectares ang natukoy na naapektuhan. Ito ay katumbas ng 11.96% ng natamnan na 1,101,695.90 hectares.
Ayon sa DA, nakaapekto ang El Niño sa kabuuang target production ng Pilipinas sa lahat ng industriya.
Nakasaad pa sa report ng ahensiya na nagawa nitong makapaglabas ng hanggang P14.54 billion na tulong para sa mga naapektuhang mangingisda at magsasaka.
Sa ilalim ng naturang halaga, P 8.59 billion ay nagmula sa Rice Farmers Financial Assistance (RFFA), P4.72 billion ang sa pamamagitan ng production support sa pamamagitan ng mga regional offices nito, P659.17 million ay sa pamamagitan ng mga inputs, at ang nalalabi ay sa pamamagitan ng crop insurance, loan, ipinamigay na hayop, atbpa.
Natukoy ang naturang pinsala mula sa mga rehiyon ng Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Central Mindanao, Davao Region, Soccsksargen at Caraga Region.