-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY – Tiniyak ng technical working group na isinasapinal na nila ang final draft Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Universal Healthcare Law.

Kaugnay nito, sinabi ni PhilHealth-Region 2 Executive Vice President Oscar Abaddu, na sa sandaling matapos ang final draft ng IRR ay magsasagawa na sila ng konsultasyon sa mga stakeholders para ipaliwanag ang nasabing batas.

Ipinaliwanag ni Abaddu na nakasaad sa batas na kailangang magsagawa ng public consultation kung matatapos na ang IRR.

Ayon sa PhilHeatlh official, kung mayroon silang makukuha na mga valid suggestions at recommendations sa konsultasyon ay maaari nila itong ilagay sa IRR.

Una na nitong sinabi na target nilang matapos ang IRR bago ang State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte sa darating na Hulyo, sa halip na sa loob ng 180 araw matapos na lagdaan ng pangulo ang batas noong February 20, 2019.