Aminado ang Commission on Elections (Comelec) na medyo matatagalan pa ang mga ito bago maglabas ng pinal na listahan ng mga tatakbong kanidadto para sa 2022 national at local elections.
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, posibleng sa kalagitnaan ng buwan ng Disyembre na nila mailalabas ang pinal na listahan dahil na rin sa mga nakabinbin pang reklamo gaya ng kanselasyon ng mga certificate of candidacy (CoC) sa ilang mga kandidato.
Kahapon nang sabihin ni Jimenez na kabuuang 91 ang mga petisyon na tatalakayin ng komisyon bago ang final printing ng mga balota sa Disyembre.
Aniya, ang mga petisyon ay kinabibilangan ng mga tatakbo sa pagka-pangulo, bise presidente, senators at partylist representatives.
Samantala, kahit marami raw ang maghahain ng kanilang withdrawal o magsa-substitute ay hindi na papalawigin pa ng Comelec ang itinakdang deadline sa Lunes.
Sinabi ng tagapagsalita ng Comelec na mananatili sa naturang petsa ang deadline hanggang alas-5:00 ng hapon.
Dahil dito, mayroon na lang apat na araw ang mga kandidato na magbabago pa ang isip na iurong ang kanilang CoC.
Mananatiling bukas ang mga tanggapan ng Comelec kahit na sa Sabado pero sarado sa Linggo at muling magbubukas sa Lunes o ang mismong deadline para sa withdrawal ng kandidatura.
Sa kabilang dako, posibleng magsagawa ng isa pang voting simulation ng Comelec matapos ang nauna nang simulation exercise na isinagawa nito noong October 23 sa San Juan Elementary School.
Sabi ni Comelec Spokesman Director James Jimenez, pinagpaplanuhan pa ito ng komisyon.
Hindi na binanggit ni Jimenez kung saang lugar ang posibleng pagdausan ng isa pang voting simulation.