Posibleng ilalabas na ng Commission on Elections sa susunod na linggo ang kumpletong listahan ng mga kandidatong nahatulan na ng perpetual disqualification.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, kasalukuyan nang inaayos ng komisyon ang listahan ng mga kandidato na una nang hinatulan ng Ombudsman na ‘perpetually disqualified’ o habambuhay na hindi maaaring humawak ng anumang public office.
Posible aniyang sa susunod na linggo ay ilalabas na ang naturang listahan at agad din itong isasapubliko.
Giit ng Comelec chief, kikilalanin at irerespeto ng komisyon ang desisyon ng Ombudsman ukol sa perpetual disqualification, kahit pa may nakabinbin na apela ang naturang kandidato.
Ang tanging ikokonsidera lamang aniya ay kung mayroong inilabas ang Korte Suprema na temporary restraining order (TRO) laban sa diskwalipikasyon ng mga naturang kandidato.
Giit ni Garcia, may mga eksperto ang komisyon na nakatalaga upang pag-aralan ang kaso ng mga naturang kandidato. Dadaan din aniya sa masusing pag-aaral ang naturang listahan bago tuluyang ilabas sa publiko.