-- Advertisements --

csafp

Tiniyak ni AFP (Armed Forces of the Philippines) chief of staff Lt. Gen. Andres Centino na kanilang palalakasin at paiigtingin pa ang kampanya laban sa iba’t ibang threat groups sa bansa partikular ang local communist group.

Ito ang kanilang final push para tuluyan nang tapusin ang pamamayagpag ng komunistang grupo.

Mas magiging agresibo aniya ang AFP sa kanilang operasyon sa huling pitong buwan ng panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Mensahe ni Centino sa elite force ng Philippine Army ang First Scout Ranger Regiment (FSRR) na maghanda para sa kanilang “last push.”

Nitong Huwebes, dumalo si Centino sa 71st anniversary ng FSRR kung saan pinuri nito ang mga accomplishment ng Scout Ranger.

csafp1

Ayon sa chief of staff, ang FSRR ang isa sa mga elite forces ng AFP na nakikipaglaban sa iba’t ibang threat groups sa bansa at napatunayan na rin ang proficiency ng mga Ranger na kilala sa buong mundo kaya walang duda sa kanilang kakayahan para harapin ang mga kalaban.

Sa talumpati ni Centino, ang darating na taon ay crucial sa AFP lalo at paiigtingin ng militar ang operasyon “to end local communist armed conflict.”

Giit ni Centino, ngayon lang nakaramdam ang militar na kaya nilang tapusin ang problema sa insurgency sa natitirang pitong buwan sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Siniguro naman ng pamunuan ng First Sout Ranger Regiment na suportado nila ang kampanya para tapusin ang komunistang rebelde.

Pinangunahan din ni AFP chief ang wreath-laying ceremony Scout Ranger Memorial bilang pagpupugay sa mga Scout Rangers na isinakripisyo ang kanilang buhay sa iba’t ibang kampanya at combat missions ng AFP.

Dumalo sa aktibidad sina dating AFP chief of staff General Cirilito Sobejana, Department of Social Welfare and Development (DSWD) secretary at dating commanding general Philippine Army Secretary Rolando Bautista, at DSWD Undersecretary Rene Glen Paje.