-- Advertisements --
COMELEC
Office of Comelec Chairman George Erwin Garcia

Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na naging matagumpay ang Final Testing and Sealing (FTS) ng 426 vote-counting machines (VCMs) na gagamitin sa espesyal na halalan sa Pebrero 25 para sa kinatawan ng 7th District ng Cavite.

Sinabi ni John Rex Laudiangco, tagapagsalita ng Commission on Elections, na gumana nang maayos ang mga makina noong Final Testing and Sealing.

Aniya, batay sa pangkalahatang ulat, lahat ng 426 ay gumana nang maayos at nabilang nang tama.

Dagdag pa, walang vote-counting machines o secure digital o sd card ang nabigo.

Ang tanging naobserbahang isyu ayon pa sa tagapagsalita ay ang paper jam na agad umanong na-remedyuhan sa pamamagitan lamang ng pagwawasto sa posisyon ng vote-counting machines sa ibabaw ng ballot box upang ang ballot exit slot aniya ay tumugma sa entry receptacle.

Ayon naman kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, ang plano ng ahensya para sa araw ng eleksyon ay 1 is to 1 ibig sabihin aniya ay sa buong distrito ng ikapitong distrito ng Cavite lahat ng presinto ay may alternatibong mga machine na gagamitin.

Magkakaroon ng 75 voting centers sa 116 na villages ng Trece Martires City at mga bayan ng Amadeo, Indang at Tanza para sa automated special election sa Sabado.

Ang dating mayor ng Trece Martires City na si Melencio de Sagun Jr., Cavite 7th District Board Member Crispin Diego Remulla, Jose Angelito Aguinaldo at Michael Angelo Santos ang mga kandidato para palitan si Jesus Crispin Remulla, na hinirang na Justice Secretary ilang sandali matapos ang Mayo 2022 na botohan.

Si Crispin Diego Remulla ay anak ng kalihim ng Department of Justice.

Matapos ang Final Testing and Sealing, ang panghuling proseso sa paghahanda, ang mga vote-counting machines ay ibinalik sa kanilang mga kahon at muling inilagay sa mga storage room ng mga paaralan na bahagi ng espesyal na botohan.

Bawat storage room ay mahigpit na binabantayan ng mga kawani ng Department of Education sa pakikipagtulungan ng Philippine National Police.

Halos 1,300 miyembro ng 426 electoral boards ang lumahok at tiniyak na kumpleto ang kanilang mga kit kasama ang selyadong vote-counting machines, main at backup secure digital card at iba pang gamit, kabilang ang thermal paper rolls, marking pens at mga dokumento at checklists.

Nagpasalamat naman si Garcia sa Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines, Bureau of Fire Protection at Department of Education sa pagpapahayag ng suporta nito sa magiging special elections sa lalawigan ng Cavite.