KALIBO, Aklan – Siyento porsiyento nang handa ang gagamiting Vote Counting Machines (VCM) sa lalawigan ng Aklan sa darating na eleksyon sa Lunes.
Ayon kay Provincial Election Supervisor Atty. Elizabeth Doronilla na nagkaroon lamang ng aberya sa tatlong clustered precinct sa dalawang bayan sa isinagawang final testing and sealing ng VCM matapos na ma-corrupt o hindi gumana ang kanilang SD card nang ipasok sa mga makina.
Tumagal umano ng halos dalawang oras, ngunit hindi naayos ang SD card ng VCM na ginamit sa Baybay Elementary School at Tugas Elementary School sa bayan ng Makato.
Parehong problema rin ang naranasan ng mga election board sa Manggan Elementary School sa Banga, Aklan.
Nilinaw ng Commission on Elections (Comelec) na minimal lamang ang mga nangyaring aberya.
Ang SD card anya ay ipinadala sa Iloilo sa kanilang technical hub upang agad na masolusyunan.
Nilinaw pa ni Atty. Doronilla na kailangang isailalim sa final testing and sealing ang mga makina bago gamitin sa araw ng eleksyon.