Nagbibigay ng kulay sa buhay ng isang tao ang musika.
Ito ang pagsasalarawan ng isang accountant at songwriter na Pinoy na nagbabase na ngayon sa California, USA.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Edwin Dimaculangan, sinabi nito na mahirap gumawa ng kanta lalong-lalo na kung wala sa mood at negatibong emosyon ngunit ang kanta rin naman diumano ang siyang nakakapagtanggal ng lahat ng mga hindi magagandang nararamdaman ng tao.
Ayon kay Dimaculangan na nagbibigay ng ibang kasiyahan para sa kanya ang pagsulat ng awitin lalong-lalo na kung nalalagyan niya ito ng melodiya.
Aniya, nahihirapan talaga ito sa paggawa ng awitin upang gawing entry sa Bombo Music Festival 2020 dahil may gusto itong tapusing lyrics ngunit hindi niya nito matapos-tapos kaya naisipan na rin nito na gawing title sa kanyang entry ang “Mahirap Gumawa ng Kanta”.
Dagdag pa ng composer na isang pop song na may kaunting ‘love story’ ang kanyang naisulat na kanta kung saan naging inspirasyon nito ang kanyang pamilya.
Giit ni Dimaculangan na malaki ang koneksyon ng musika sa kanya kung saan sinabi nitong kulang ang buhay kung walang musika.
Nabatid na 14 na taon na itong namamalagi sa California bilang Financial Specialist at part-time Accountancy professor.