Arestado ng mga tauhan ng PNP intelligence group ang brother-in-law ni dating ASG leader Isnilon Hapilon na siyang finance at logistics officer ng teroristang grupo.
Kinilala ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar ang naarestong ASG member na si Masckur Adoh Patarasa a.k.a. Makong/Omair Sali Taib.
Ayon kay Eleazar naaresto si Patarasa batay sa intelligence-driven police operation na isinagawa ng mga tauhan ng Regional Intelligence Unit-9 ng PNP Intelligence Group kasama ang PNP SAF, CIDG-9, PNP-IMEG, Maritime Unit 9, TEAM ISAFP at AFP sa Barangay Asturias, Jolo, Sulu, bandang alas-7:00 ng gabi noong Biyernes, July 30, 2021.
Si Patarasa ay mayroong warrant of arrest na inisyu ni Judge Leo Jay Principe, presiding judge ng RTC, 9th Judicial Region, Branch 1, Isabela City, Basilan na nahaharap sa pitong kasong kidnaping and serious illegal detention.
Kinumpirma rin ni Eleazar na si Patarasa ay isang active Non-Uniformed Personnel (NUP) ng PNP na kasalukuyang naka-assign sa Banguingui Municipal Police Station, Sulu PPO.
Gayunpaman, napag-alaman na siya ay finance/logistics liaison officer ng Dawla Islamiya/ASG at kabilang sa Martial Law Arrest Order No. 1 noong kasagsagan ng Marawi siege taong 2017.
Taong 2001 nang sumama si Patarasa sa grupo ni Basilan ASG leader Khadaffy Janjalani at ‘di nagtagal lumipat sa grupo ni ASG senior leader Radullan Sahiron sa Sulu.
Napag-alaman na mayruon din itong direct contact kay Jemaah Islamiyah operative Amin Baco a.k.a. Guro Jihad at sa iba pang ASG personalities.
Batay sa isinagawang imbestigasyon si Patarasa ay nakatanggap ng pondo mula kay Almaida Salvin, isang terorista na kabilang sa U.S. Treasury’s sanctions list na naaresto noong April 2019 dahil illegal possession of explosives sa pamamagitan ni Merhama Sawari na neutralized sa Parañaque City shootout kasama ang iba pang suspected terrorists noong June 20, 2020.
Pinuri naman ni PNP chief ang matagumpay na pagkakaaresto sa isa nilang tauhan na may kaugnayan sa teroristang grupo.
“I am glad that our personnel were able to arrest the subject person, this still forms part of the Intensified Cleanliness Policy that we are implementing, Cleanliness of the ranks should be maintained to regain the trust and confidence of the people to our organization,” pahayag pa ni PNP chief.