-- Advertisements --

Pinalawig pa ng Government Service Insurance System (GSIS) hanggang sa Disyembre 29, 2021 ang GSIS Financial Assistance Loan (GFAL) program.

Sa isang pahayag, sinabi ni GSIS president and general manager Rolando Macasaet na mula nang ilunsad ang programa noong 2018, umabot na sa P110-bilyon ang kanilang inilabas na pondo, na pinakinabangan ng mahigit sa 271,000 mga empleyado ng gobyerno.

“Nitong nakaraang 2020, kahit may pandemic at suspended nang anim na buwan ang GFAL, nakapag-release ang GSIS ng P37 billion kung saan 89,947 members ang nakinabang. At dahil gusto naming guminhawa ang buhay ng mas marami pa naming miyembro, itututuloy namin ang GFAL hanggang sa katapusan ng 2021,” saad ni Macasaet.

Sa ilalim ng GFAL, maaaring i-transfer at i-consolidate ng mga miyembro ang kanilang loan mula sa ibang lenders para makinabang sa reduced monthly amortization, mababang interest rate na 6% p er annum, at mas mahabang payment term na aabot sa anim na taon.

Ang mga miyembro ay makakakuha rin ng mas malaking take-home pay at mapangangalagaan din ang kanilang retirement benefits mula sa loan deductions.

Maliban dito, sinabi ng GSIS na may “Top-Up Loan” feature din ang GFAL na nagpapahintulot sa mga miyembro na hiramin ang natitirang loan amount para sa kanilang mga personal na pangangailangan.