-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Aabutan ng tulong pinansyal ng Japanese government ang kanilang mga kababayan na apektado ang pang-araw-araw na kinikita dahil hindi na normal ang pagpasok ng mga trabaho sa Japan.

Ito ay dahil sa kinaharap na krisis na epekto ng coronavirus disease kung saan marami na ang kumpirmadong namatay at kasalukuyang nahahawaan nito.

Iniulat ni Bombo international correspondent Genevieve Carbajal, taga-Barangay Bugo, Cagayan de Oro City na pinakahuling kautusan na inilabas ni Japanese Prime Minister Abe Shinzo ay matutukan ang mga apektadong Japanese workers na abnormal na ang pasok sa kanilang trabaho.

Inihayag ni Carbajal na iniutos ng punong ministro sa lahat ng Japanese at foreign employers na magsumite ng listahan ng mga empleyado na naapektuhan ang mga trabaho upang maabutan ng kaukulang tulong pinansyal.

Dagdag nito, binigyang konsiderasyon din ng gobyerno ang mga magulang na mabibigong pumasok sa kanilang trabaho dahil inaatupag nila ang kanilang mga anak, na hindi nakakapasok dahil pansamantalang isinara ang mga paaralan.