VIGAN CITY – Nasa state of financial crisis ngayon ang buong Afghanistan dahil walang sinuman ang mayroong trabaho hanggang sa hindi pa nakakabuo ng kanilang pamahalaan ang mga Taliban.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Bombo International Correspondent Sayed Sadaat, isang construction company accountant sa Kabul, Afghanistan, maraming mga empleyado na ang nag-resign dahil sa hindi pa sila mabibigyan ng mga Taliban ng kanilang kompensasyon dahil sa wala na silang badyet at pera sa bangko kung kaya’t napipilitan aniya ang karamihan sa mga Afghans na umalis sa kanilang bansa maliban lamang sa pag-iwas ng mga ito sa mga civil war na posibleng mangyari.
Inaasahan naman ni Sadaat na tutuparin ng mga Taliban ang kanilang pangako na ituwid ang kanilang mga pagkakamali noon at ibalik ang karapatan ng mga kababaihan upang mabigyan ulit sila ng pagkakataong makapagtrabaho.
Bagama’t matinding takot ang nararamdaman ngayon ng karamihan ay mas pipiliin aniya umanong manatili sa kanilang bansa kung magiging maayos ang pamumuno ng mga Taliban.