-- Advertisements --

Isasama na rin sa financial literacy program na ibibigay ng mga paaralan ang mahigpit na pagtuturo kontra sa pagpasok sa mga investment scam.

Ayon kay Senate committee on banks, financial institutions and currencies chairperson Sen. Grace Poe sa panayam ng Bombo Radyo, mahalagang sa musmos na gulang pa lang ay maituro na sa mga bata ang pag-iwas sa mga ganitong modus operandi.

Giit ng mambabatas, nakakabahala ang lawak ng scam na nagawa ng ilang kompaniya dahil karamihan sa tinamaan ay naglagak halos ng buong ikabubuhay sa pag-asang kikita ito sa habang panahon.

Inaasahang sa pagsisimula ng budget briefing para sa DepEd ay masisimulan na rin ang pagbalangkas ng financial literacy program.

“Mag-uusap kami ni Sec. (Leonor) Briones tungkol dito kapag nasimulan na ang ating paghimay sa budget ng DepEd. Alam mo, kailangan talagang maituro ito sa mga bata para hindi naman sila mabibiktima ng sari-saring scam,” wika ni Poe.