-- Advertisements --

Patuloy na nadadagdagan ang access ng micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa mga financing options sa pamamagitan ng pagkakaroon ng credit surety funds (CSFs).

Inaasahang madadagdagan pa ng 15 CSFs ang makrerehistro bago matapos ang taong 2021.

Ayon kay Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Benjamin Diokno, tinatayang aabot ng P6.93 billion ang ilalabas na pera ng CSFs para sa mahigit 17,000 MSMEs.

Ang bagong bilang na ito ay kasama sa 30 CSFs na tumugon sa survey.

Unang binuo ng BSP ang CSFs noong 2018 bilang suporta sa mga MSMES na kulang sa collateral, credit track record, at credit knowledge na may kaugnayan sa bank loans.

Ang pondo para rito ay mula sa kontribusyon ng mga participating cooperatives o non-government organization (NGOs), local government unit (LGU), at partner institutions, kasama na ang Development Bank of the Philippines (DBP), Landbank of the Philippines, at Philippine Guarantee Corporation (PhillGuarantee).

Magbibigay ito ng hanggang 80 percent surety cover sa mga loans na igagawad ng mga bangko sa MSMEs.

Noong 2016 nang buuin ang CSFs sa pamamagitan ng pagpasa sa Republic Act 10744, o mas kilala bilang Credit Surety Fund Cooperative Act of 2015.

Sa ilalim ng nasabing batas, ang mga CSF cooperatives ang siyang mamumuno at mag-aapruba sa mga CSFs upang maging miyembro ng kanilang institusyon, sa oras na makapag-rehistro na sila sa Cooperative Development Authority (CDA).