-- Advertisements --

Positibo ang National Police Commission (Napolcom) na magagawa nilang maisumite ang kanilang findings sa isyu ng “ninja cops” bago magretiro sa serbisyo si dating PNP chief Oscar Albayalde sa Nobyembre.

Ayon kay Napolcom vice chair Rogelio Casurao, target nila na bago sumapit ang Nobyembre 8 ay naisumite na nila ang output ng imbestigasyon sa mga kinauukulang ahensya, lalo na sa Office of the President at sa tanggapan ng kalihim ng Department of the Interior and Local Government.

Naniniwala si Casurao na dapat umanong matapos ang imbestigasyon tungkol kay Albayalde habang ito’y nananatili pa sa serbisyo.

Wala na raw kasing hurisdiksyon ang Napolcom kay Albayalde sa oras ng kanyang pagreretiro.

Sinabi pa ni Casurao na malaking tulong umano sa kanilang joint probe ng DILG ang inisyal na findings na inilabas ng Senate Blue Ribbon Committee kahapon.

Sa nasabing draft report, inirerekomenda ang pagsasampa ng drug at graft charges kontra kay Albayalde at sa 13 iba pang pulis na dawit sa maanomalyang drug operation sa lalawigan ng Pampanga noong 2013.