CEBU CITY – Inamin ng Police Regional Office (PRO)-7 na hindi nagtugma ang fingerprint ng labi ni Franz Sabalones, ang self-confessed drug lord ng Central Visayas, sa fingerprint nito sa record ng Commission on Elections (COMELEC) sa San Fernando, Cebu.
Ayon kay PRO-7 Regional Director Police Brigadier General Debold Sinas, nahihirapan sila sa paghahanap ng kaanak ni Sabalones na kanilang magagamit para mapatunayan ang tunay na identity nito.
Kaugnay nito, inihayag ni Sinas na teorya nila na maaaring hindi si Sabalones ang labi na nasa Quezon City o maaari ring hindi kay Sabalones ang nasabing fingerprint na nasa record ng COMELEC.
Sa ngayon, hinihintay na lang nila ang kahit isang miyembro ng pamilya ng self-confessed drug lord na siyang kukuha sa labi nito.
Nabatid na pinagsusumikapan ng pulisya na makuha ang tunay na pagkakakilanlan sa labi matapos na may ibang pangalan na lumabas at sinasabing hindi si Franz Sabalones ang napatay noong April 18 ng umaga sa Barangay South Triangle, Quezon City.