Kinumpirma ng Commission on Elections (Comelec) na tumugma ang fingerprints sa election record ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa Chinese National na si Guo Hua Ping.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, sa findings ng kanilang fingerprint experts, nag-match ang fingerprints sa mga dokumento ni Mayor Guo.
Kabilang dito ang kaniyang dokumento sa Immigration na ginamit ng NBI, NBI clearance, certificate of candidacy, application for voter’s registration, Election Day Computerized Voter’s List noong 2022, at Election Day Computerized Voter’s List Barangay at SK Elections noong 2023 at lahat ng ito ay nag-match sa fingerprints ng Chinese passport holder na si Guo Hua Ping.
Kaya naman batay sa kanilang law department, ayon kay Garcia, may sapat na na factual basis para magpatuloy sa imbestigasyon.
Sa susunod na Linggo, magdedesisyon ang Comelec kung kakasuhan na ba ang suspendidong alkalde sa Regional Trial Court dahil sa material misrepresentation na lumalabag Omnibus Election Code.
Una nang iniulat na nadiskubre ng NBI ang pagkatugma ng fingerprints ni Mayor Guo sa Chinese National na si Guo Hua Ping matapos itong kumuha ng NBI Clearance.
Sinabi rin ng Bureau of Immigration, na hindi pa nakakalabas ang supendidong alkalde sa bansa.
Dismayado na rin ang ilang Senador sa National Bureau of Immigration at sa Philippine National Police dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin nahuhuli si Mayor Guo sa kabila ng arrest order ng Senado noong July 12.
Sa panig naman ng PNP, isa itong malaking hamon sa kanila, pero tiniyak nila ang publiko na hindi sila tumitigil sa paghahanap at sa abot ng kanilang makakaya ay ihaharap nila ang alkalde sa senado.