-- Advertisements --

Hinirang ang bansang Finland bilang pinaka masayahing bansa ngayong taon sa survey na isinagawang World Happiness Report ng United Nations Sustainable Development Solutions Network’s 2019.

Nanguna ang Finland sa isinagawang pag-aaral kung saan gumamit ng survey data sa 156 na bansa upang malaman kung gaano kasaya ang mga naninirahan dito base sa kanilang life expectancy, sweldo at social support.

Ang Netherlands, Switzerland, Canada, New Zealand at Austria ay ilan pang Nordic countries na nagawa ring makapasok sa top ten.

Samantala, bumaba naman sa ika-labing siyam na pwesto ang United States na noong nakaraang taon ay nasa ika-labing walong pwesto.

Ayon kay professor Jeffrey Sachs, isa sa mga nagsagawa ng nasabing survey, patuloy ang pagbaba ng US sa survey dahil umano sa walang tigil na paglawak ng addiction at depression sa bansa.

Nasa ika-69 na pwesto naman ang Pilipinas na nakakuha ng average score na 5.631 na noong nakarang taon ay nasa ika-71 pwesto.

Naungusan ng Pilipinas ang Southeast Asian countries tulad ng Malaysia (80th), Indonesia (92nd), Vietnam (94th), Laos (105th), Cambodia (109th) at Myanmar (131st).

Ayon sa isinagawang survey ng SWS 87% ng mga Pilipino ang sinabing ‘sapat’ lang umano ang kasiyahan nila sa bansa.

Ito umano ang pinaka mababa sa loob ng apat na taon simula nang maitala ang 85% noong December 2014.

Sa kabilang banda, South Sudan naman ang itinuturing na “least happiest” na bansa sa buong mundo.