Umangat ng 34% ang bilang ng mga naitalang sunog sa buong bansa mula Enero hanggang kahapon, June 10, 2024.
Batay sa monitoring ng Bureau of Fire Protection (BFP), nakapagtala ito ng kabuuang 10,996 na insidente ng sunog sa buong bansa.
Ito ay nagresulta sa pagkamatay ng 178 na katao.
Ayon kay BFP spokesperson Supt. Annalee Atienza, malayong mas mataas ang halos 11,000 na fire incident ngayong taon kumpara sa 8,182 cases na unang naitala noong nakalipas na taon, sa kaparehong period.
Samantala, lumalabas naman sa talaan ng BFP na ang tatlong pangunahing dahilan ng sunog ay ang mga open flames mula sa mga basura, paninigarilyo, at mga napabayaang panununog sa mga sakahan.
Kasabay nito ay plano ng BFP na palawakin ang information campaign ngayong nagsimula na rin ang tag-ulan, upang mapataas ang awareness o kamalayan ng publiko ukol sa mga sunog.
Bagaman maraming sunog ang naitala sa kasagsagan ng mainit na panahon, maaari pa rin aniyang makapagtala ng mga sunog sa panahon ng tag-ulan lalo na ang posibleng electrical ignition dulot ng dampi ng ulan. Ito ay isa sa mga pangunahin aniyang dahilan ng mga sunog.
Samantala, maliban sa 178 katao na namatay sa kabuuang period, nakapagtala rin ang BFP ng kabuuang 588 na kataong nasugatan dahil sa mga naturang sunog. Ito ay mas mataas kumpara sa 526 na naitala lamang noong 2023.