-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Bilang pakikiisa sa paggunita ng Fire Prevention Month ngayong buwan ng Marso, isang Kick-off Ceremony ang inilunsad ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng Kabacan Cotabato sa pangunguna ni SINSP Rene P. Tingson sa harap ng kanilang Municipal Hall na may temang; “Sa Pag-iwas sa Sunog, Hindi ka Nag-iisa”.

Ito ay pinalakas sa bisa ng Presidential Proclamation No. 115-A na idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ang buwan ng Marso dahil sa nakababahalang bilang ng mga kaso na may kaugnayan sa sunog tuwing sasapit ang buwan na ito.

Nagsagawa ng mga aktibidad katulad ng Motorcade, Zumba dance at Oryentasyon ang grupo upang ipaalam sa bawat isa ang mga paraan kung paano maiiwasan ang sunog sa bawat tahanan o lugar na pinagtatrabahuan.

Nagpaabot naman ng pasasalamat si Mr. Reyman Saldivar bilang kinatawan ni Governor Mendoza sa pagsagawa ng aktibidad na ito na aniya’y malaking tulong upang masiguro ang kaligtasan ng bawat mamamayang Cotabateño.

Nagbigay din ng kanilang mga suporta sa nasabing aktibidad ang ibat-ibang grupo na kinabibilangan ng Kabacan Water District, USM Criminology students, Kabalikat Radiocom, Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Kabacan, Philippine National Police (PNP), Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Acting Head Engr. Arnulfo Villaluz at Provincial Fire Marshal SUPT Leilanie L. Bangelis.