Nilinaw ng Philippine National Police na hindi pa ipapatupad sa ngayon ang firecracker ban sa Pilipinas.
Sa kabila ito ng hirit ng ilang grupo na ipatupad na ang ban sa pagbebenta at paggamit ng paputok sa bansa sa kadahilanang nagiging sanhi ito aksidente at disgrasya.
Ayon kay Philippine National Police Civil Security Group Director MGen. Eden Ugale, sa ngayon ay inire-regulate lamang ng pulisya ang pagbebenta at paggamit ng firecrackers at pyrotechnics sa bansa.
Ang paggamit kasi aniya ng mga paputok tuwing may selebrasyon sa Pilipinas ay bahagi na ng tradisyon sa ating bansa.
Kung kaya’t ang desisyon sa pagpapatupad ng pagbabawal dito ay nakadepende na aniya sa mga kinauukulan na mas may kapanyarihan na magpatupad nito.
Nang tanungin naman ng Bombo Radyo Philippines ang ilan sa mga nagbebenta ng paputok dito sa bahagi ng lalawigan ng Bulacan ukol dito sa nasabing usapin, ay sinabi nila na talagang malaki ang magiging epekto nito para sa kanilang buhay.
Libo-libong mga pamilya kasi anila ang umaasa pagdating sa fireworks industry kung saan ang iba pa nga sa mga nagtatrabaho dito ay nakapagpatapos pa ng kanilang mga anak.
Samantala, panawagan naman ni Mr. Joven Ong sa publiko, may-ari ng isang malaking pagawaan ng paputok dito pa rin sa bahagi ng lalawigan ng Bulacan, hindi naman aniya kinakailangan na ipagbawal ang pagbebenta at paggawa ng paputok sa bansa.
Dapat lamang aniya na isaalang-alang na dekalidad ang mga firecrackers at pyrotechnics na bibilhin upang matiyak na ligtas ang mga ito upang maiwasan na magkaroon ng aksidente at disgrasya sa paggamit nito.
Katuwiran niya, mas lalo pa raw kasi dadami ang mga indibidwal na sumusuway sa batas at gumagawa ng mga ilegal pagdating sa pagbebenta at paggamit ng mga paputok kapag tuluyan pa itong ipagbawal sa bansa.
Kung maalala, una rito ay ininspeksyon rin ng PNP-CSG ang ilang mga pagawaan at tindahan ng paputok sa Bulacan kung saan nagpapaalala na rin ito sa taumbayan hinggil sa mga ipinagbabawal na paputok sa bansa tulad ng mga imported o gawa sa ibang bansa, at oversized na mga paputok o yung mga may bigat na mahigit sa 0.2 grams habang ipinagbabawal din ang mga paputok na may mitsa na hihigit pa sa anim na segundo ang itatagal.
Muli rin binigyang-diin ng mga otoridad na batay sa batas na umiiral sa bansa, tanging mga regulated firecrackers lamang ang maaaring paputukin sa mga regulated areas habang ang mga pyrotechnics o firecrackers naman ay pwedeng sindihan kahit sa labas ng mga tahanan.