Hihilingin umano ng Philippine Fireworks Association kay Pangulong Rodrigo Duterte na payagang mai-export ang kanilang mga produkto sakaling ipatupad na ang total ban sa mga paputok sa hinaharap.
Ayon kay PFA president Jovenson Ong, magkakaroon raw kasi sila ng problema na maabot ang “economies of scale” dahil sa exportation ay maoobliga silang damihan ang pagbili ng mga materyal na kinakailangan para sa produksyon.
Ang economies of scale ay isang pangyayari kung saan bumababa ang halaga ng gastos sa output habang tumataas naman ang produksyon.
Una nang sinabi ng Pangulong Duterte na binabalak nitong maglabas ng kautusan na nagdedeklara ng ban sa mga paputok sa kalagitnaan ng susunod na taon.
Inihayag ng Pangulong Duterte na ang kakulangan ng mekanismo para panagutin ang mga manufacturers ng paputok sa mga napuputukan tuwing holiday season ang rason kaya nito pinag-iisipang magpatupad ng total ban.
Sinisisi rin ng Pangulong Duterte ang mga fireworks manufacturer dahil sa pagbebenta ng mga produkto na labis na sa normal na level of safety.