Hindi pa rin mapigilan ng mga otoridad ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga sugatan dahil sa paputok bago ang pagsalubong sa bagong taon.
Sa latest tally ng Department of Health (DOH) kaugnay sa Fireworks-Related Injury Surveillance 2019, nadagdagan pa ng walo ang mga sugatan kung saan umakyat na ngayon sa kabuuang 54 (as of 6AM Dec. 30) ang nabiktima na isinugod sa iba’t ibang mga ospital sa bansa.
Inamin sa Bombo Radyo ni DOH Secretary Francisco Duque III na medyo nababahala sila sa trend ng pagtaas ng bilang ng mga napuputukan.
Kung tutuusin aniya mas mataas ngayon ang nabiktima sa kaparehong period noong taong 2018.
Gayunman kung pagbabatayan naman ang five-year period mula 2014 hanggang 2018, mas mababa ito ng 62% sa kaparehong period.
Isa pa raw sa pangamba ni Duque ay dahil sa maganda ang lagay ng panahon.
Kung tuyo raw kasi ang mga kalsada o lansangan ay baka mas lalong dumami ang gumamit ng mga paputok.
Hindi raw katulad ng mga nakalipas na taon ay may mga lugar na nakaranas ng pag-ulan kasabay ng pagsalubong sa bagong taon.
“Hindi maganda. Parang lumalabas na noong 2018 ay pumareho na. So, posibleng baka mas tumaas pa ngayon. Dahil nga gumaganda ang panahon. Kakaunti ang araw na nag-uulan hindi katulad noong nakaraang taon. Tulad noong 2017 ay nag-uulan eh. So, sa ngayon dapat talaga na paghandaan ito na posibleng sumipa (number of injuries) na sana naman ay ‘wag dahil masyadong mabigat ang kapalit na pagsasaya para salubungin ang bagong taon,” ani Sec. Duque sa Bombo Radyo interview.
Lumalabas naman sa datos ng DOH na ang piccolo pa rin ang may pinakamaraming nabiktima na umaabot na sa walo, sinusundan ng boga na may anim ang sugatan, lima dahil sa kwitis at meron ding tig-aapat na sugatan bunsod ng 5-Star, Luces at Whistle bomb.
Karamihan din daw sa mga nasugatan ay sa parte ng kamay at mata.
Samantala, nakapagtala na rin ang DOH na isang kaso na dapat maputulan ng daliri.
Natukoy ang biktima na 13-anyos na binatilyo na nagmula sa Brgy. Betes, Aliasa, Nueva Ecija.
Sinasabing nagtamo umano ito ng sugat kahapon mula sa tinatawag na Cylinder, isang uri na iligal na firework.
Nagtungo umano ang biktima para magpagamot sa Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center pero inilipat ito sa DPJGMRMC Talavera Extension Hospital.
Batay sa inisyal na pagsusuri dapat putulin ang ring finger nito o 5th digit dahil sa traumatic amputation.
Narito pa ang monitoring ng DOH sa nationwide tally fireworks-related injuries:
NCR (National Capital Region) – 21
Manila – 12
Quezon City – 5
Marikina City – 2
Mandaluyong – 1
Pasay City – 1
Region 1 (Ilocos Region) – 6
Region 2 (Cagayan Valley) – 4
Region 3 (Central Luzon) – 1
Region 4A (CALABARZON) – 4
Region 4B (MIMAROPA) – 1
Region 5 (Bicol Region) – 4
Region 6 (Western Visayas) – 3
Region 7 (Central Visayas) – 6
Region 11 (Davao Region) – 1
Region 12 (SOCCSKSARGEN) – 3