-- Advertisements --

Hinikayat ni Zamboanga City Rep. Khymer Adan Olaso si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na i-certify bilang urgent measure ang kaniyang panukalang firing squad laban sa mga mapapatunayang nagkasala ng plunder, katiwalian at iba pang uri ng corruption.

Ginawa ni Olaso ang pahayag sa exclusive interview ng Bombo Radyo, matapos makakuha ng malaking bilang ng suporta ang kaniyang bill sa iba’t-ibang sektor.

Aminado kasi ang kongresista na kakaunting panahon na lamang ang natitira para makapagpasa ng mga batas, dahil malapit na ang midterm elections.

Naniniwala ang mambabatas na sa pamamagitan nito ay mapipigilan na ang pagdami ng mga tiwali sa gobyerno.

Sa ngayon marami na rin ang nagpahayag ng pagkontra sa firing squad bill, lalo’t isinusulong ng international community ang mas makataong pagpataw ng capital punishment sa mga nagkasala.

Maging ang ilang mga religious groups ay kontra din sa nasabing paraan ng pagpaparusa.