Kinontra ni Sen. Imee Marcos ang pagbabalik ng death penalty sa pamamagitan ng firing squad para sa anumang kaso.
Ito’y kahit gustong gawing pattern ng ilan sa mga nagsusulong ng revival ng capital punishment ang ginawa noon ng kaniyang ama.
Matatandaang ipinag-utos noong 1973 ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang firing squad para sa Chinese drug lord na si Lim Sheng dahil sa pagtutulak ng droga sa Pilipinas.
Ginawa iyon sa Fort Bonifacio, kung saan pinahanay ang mga sundalo para barilin ang nakapiring na banyaga.
Para sa senadora, hindi na epektibo ngayon ang ganoong sistema dahil may ibang mga paraan naman na mas “humane.”
Pag-amin pa ng mambabatas, maging ang kaniyang ama ay hindi nagustuhan ang kinahinatnan ng mabigat na hakbang kaya hindi na rin iyon nasundan.
Pero pabor daw ang dating presidential daughter na ibalik ang parusang kamatayan para sa matitinding krimen, lalo na ang may kaugnayan sa iligal na droga.