LAOAG CITY – Pinasinayaan ang 29.952 Megawatts Nueva Era Solar Farm na kinokonsidera bilang First Battery – Embedded solar farm sa buong Pilipinas dito sa lalawigan ng Ilocos Norte.
Ayon kay Mayor Aldrin Garvida sa bayan ng Nueva Era, ang proyektong ito ay pakikipagtulungan ng Japan, Malaysia, Germany, China at Pilipinas kabilang ang Sineng, Looop at AESOLAR.
Sabi niya ang programa ay dinaluhan ng Looop Energy Malaysia Managing Director Ong Chin Wei, ang General Manager ng Renewable Energy Division ng Looop Japan Keiya Kojima, ang Sales VP ng AE Solar Germany Waldemar Hartman, ang Ilocos Norte Electric Cooperative Board of Director Atty. Nick Malasig, ang National Electrification Administration na si Atty. Nikki Pilar, ang Acting General Manager ng INEC na si Mr. Cipriano Martinez III at mga INEC Board of Directors.
Aniya, hindi lamang ang mga residente ng Nueva Era kundi sa buong Ilocos Norte ang makikinabang sa pagbaba ng singil sa kuryente sa lalawigan.
Sinabi ni Mayor Garvida na ang AESOLAR ay magbibigay ng panel, ang Japan ay magbibigay ng teknolohiya ng baterya gayundin ng tulong mula sa ibang mga bansa.
Dagdag pa niya, 40 porsiyento ang ibibigay sa barangay, 30 porsiyento sa lokal na pamahalaan at lalawigan kapag naisakatuparan ang malaking proyekto.