Matapos ang halos dalawang dekada ng giyera na kumitil sa buhay ng libu-libong katao, natuloy na rin ang kauna-unahang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno ng Afghanistan at ng grupong Taliban sa bansang Qatar.
Kabilang sa mga key speakers sa opening ceremony nitong Sabado sa isang hotel sa Doha sina Abdullah Abdullah, chairperson ng Afghanistan’s High Council for National Reconciliation, Taliban deputy leader Mullah Abdul Ghani Baradar at US Secretary of State Mike Pompeo.
Ang mga negosasyon, kung saan maghaharap ang magkabilang panig sa unang pagkakataon, ay magsisimula sa Lunes.
Ayon kay Abdullah, nais nilang magkaroon ng marangal at panghabambuhay na kapayapaan.
“I believe that if we give hands to each other and honestly work for peace, the current ongoing misery in the country will end,” wika ni Abdullah.
Sa panig naman ni Baradar, muli nitong inihayag ang hirit ng kanilang grupo na dapat nang ipatupad sa bansa ang “Islamic system”.
“We want Afghanistan to be an independent, developed country, and it should have a form of Islamic system, where all its citizens see themselves reflected.”
Sinabi naman ni Pompeo na dapat samantalahin ng dalawang panig ang pagkakataon para makamit ang kapayapaan.
“Each of you, I hope you will look inside your hearts; each of you carry a great responsibility, but know that you’re not alone. The entire world wants you to succeed and is counting on you to succeed,” ani Pompeo.
Ang naturang negosasyon ay kasunod ng security deal sa pagitan ng Estados Unidos at Taliban noong Pebrero. (Al Jazeera/ BBC)