-- Advertisements --

Magkakasamang bumisita sina First Lady Liza Araneta-Marcos, dating First Lady Imelda Marcos at Special Envoy to the United Arab Emirates for Trade and Investment Ma. Anna Kathryna Yu-Pimentel sa bagong-renovate at makasaysayang Marikina Shoe Museum noong Hulyo 8, 2024 bilang bahagi ng kanilang pagsisikap na itaguyod ang lokal na industriya ng sapatos.

Matatandaang itinatag ito noong 2001, kung saan ang Marikina Shoe Museum ay tahanan ngayon ng humigit-kumulang 800 pares ng sapatos ng dating unang ginang na sumailalim sa renovation.

Ito ay nagsisilbing paalala ng masiglang pamana ng kultura ng lungsod at ng pamana nito bilang Shoe Capital ng Pilipinas.

Sa kanilang pagbisita, binigyang-diin ng Special Envoy ng Pangulo sa UAE ang kahalagahan ng museo sa muling pagbuhay ng lokal na industriya ng sapatos.

Ang envoy ay apo ng yumaong Marikina Mayor Osmundo De Guzman na kilalang tagasuporta ng mga magsasapatos ng Marikina noong kanyang panahon at nagtatag ng Marikina Shoe Trade Commission noong 1967.

Upang makatulong sa muling pagbuhay ng industriya ng sapatos sa Marikina, nakikipagtulungan si Pimentel sa mga lokal na gumagawa ng sapatos upang mamahagi ng sapatos sa mga estudyante ng Marikina.

Si dating First Lady Imelda Marcos naman ay kilala hanggang sa buong mundo dahil sa pagkakaroon nito ng napakaraming sapatos noong buhay pa si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr.

Samantala, sinabi ni Marikina Mayor Marcelino Teodoro na namahala sa renovation na isinakatuparan nila ito bilang pagkilala sa pagkamalikhain ng mga Pinoy at maging repository na rin ng mga sapatos na hindi na ngayon makikita sa mga karaniwang tindahan ng ganitong produkto.