-- Advertisements --

CEBU CITY – Aabot sa 12,000 indibidwal ang inaasahang dadagsa sa Cebu City Sports Center ngayong Linggo, Agosto 28, para sa Pasigarbo sa Cebu, na bahagi ng pagdiriwang ng 453rd Founding Anniversary ng Cebu Provincial Government.

Napaulat na 50 contingents mula sa buong lalawigan ang maglalaban-laban para sa iba’t ibang parangal sa “festival of festivals” ngayong taon.

Sa kasalukuyan, kanya-kanya na ang pagsasagawa ng practice at blocking sa venue ang mga contingents.

Maliban dito, ipinaalam ni Lt. Col. Maria Theresa Macatangay, ang tagapagsalita ng Cebu City Police Office (CCPO), na nakatanggap ng impormasyon ang kanilang tanggapan tungkol sa posibleng pagdalo nina First Lady Liza Araneta-Marcos at Vice President Sara Duterte sa naturang event.

Maliban dito, sinabi pa ni Macatangay na wala pa umano silang natanggap na kumpirmasyon kung dadalo ba si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ngunit pinaghahandaan na rin umano ito ng pulisya.

Nauna nang inanusyo na magpapatupad ng signal jamming sa araw ng aktibidad bilang bahagi ng seguridad ngunit siniguro naman ang publiko na hindi maaapektuhan ang ibang lugar ng lungsod at probinsya.

Nasa 1,300 pulis din mula sa CCPO ang ipapakalat para mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa nasabing aktibidad.