Tinawanan lamang ni First Lady Liza Araneta-Marcos ang usap-usapang plano umano nitong tumakbo bilang Senador.
Ito ay matapos na marinig umano ng unang ginang ang ilang pasaring na isang arrangement lang umano para sa kaniyang posibleng pagtakbo sa pagka-Senador sa hinaharap ang kaniyang medical outreach program na LAB for All Project.
Sinabi rin ni First Lady Liza na wala siyang interes na tumakbo para sa posisyon sa gobyerno at sinabihan ang kanilang kritiko na lawakan ang kanilang pag-iisip.
Ibinahagi rin ng First Lady na binibiro siya ng kaniyang asawa na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na siya ang ambassador of bad will dahil nagkakamali siya sa pangalan pa lang ng alkalde.
Inalala din nito na namalagi ang kanilang pamilya sa Ilocos Norte partikular sa Paoay at Laoag noong provincial governor pa ang kaniyang asawa kung saan naging usap-usapan din noon na posibleng tumakbo ito sa local elective position alinman sa 2 bayan.
Subalit ibinunyag nito na hindi siya registered voter hanggang noong 2022 nang tumakbo ang kaniyang asawa bilang pangulo kaya’t hindi din ito pwedeng tumakbo at batid niya ito dahil siya mismo ay nagtuturo ng election law.