-- Advertisements --

CAUAYAN CITY– Mahigit 3,000 tokhang responders ang inaasahang dadalo ngayong araw sa isasagawang First Provincial Tokhang Responders Drug Summit ng Isabela Police Provincial Office (IPPO).

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCaptain Frances Littawa, tagapagsalita ng IPPO sinabi niya na ang nasabing aktibidad ay bahagi ng war on drugs ng pamahalaan gayundin ang pagnanais ng panlalawigang tanggapan ng pulisya na maideklara ng drug cleared ang lalawigan ng Isabela.

Layunin aniya ng isasagawang Tokhang Responders Summit na himukin ang mga hindi pa sumasailalim sa Community Based Rehabilitation/Wellness Program (CBRWP) na sumailalim na sa nasabing program.

Batay sa talaan ng IPPO, ang mahigit siyam na libong tokhang responders sa lalawigan ay nasa 8,000 na ang nakapagtapos sa nasabing programa habang ang iba ay kasalukuyan nang sumasailalim dito.

Ayon pa kay PCapt. Littawa, bukod sa panghihimok ay inaasahang isasagawa rin bukas ang lecture at pagtuturo sa mga tokhang responders kaugnay sa iba’t ibang programa ng pamahalaan para sa kanila.