-- Advertisements --

Target umano ng Russian forces na ituon na lamang nito ang pagsalakay sa Ukraine sa tinagurian nilang “pagpapalaya” sa silangan na nagpapahiwatig ng posibleng pagbabago sa diskarte nito.

Ayon kay Sergei Rudskoy, heneral ng Russian army na ang first stage ng kanilang operasyon sa digmaan ay nakumpleto na at nagbawas din ito ng combat capacity sa Ukraine upang makapagpokus sa pagkamit ng kanilang pangunahing layunin, ito raw ang pagpapalaya sa Donbas region.

Lumitaw kasi na ang layunin ng pagsalakay ng Russia ay mabilis na makuha ang mga pangunahing lungsod at ibagsak ang gobyerno ng Ukraine.

Ngunit ito ay napigilan dahil sa malakas na depensa ng Ukrainians.

Pagbubunyag pa ng opisyal, ang militar ng Russia ay binomba at sinusubukang palibutan ang mga pangunahing lungsod ng Ukraine tulad ng kabisera ng Kyiv, na inilalarawan ni Gen Rudskoy bilang isang pagtatangka upang itali ang mga pwersa ng kalaban sa iba’t ibang lugar sa bansa habang ang Russian troops ay nakatutok sa silangan.

Samantala, inanunsiyo rin ng Russian Defense ministry na nasa 1,351 servicemen na nito ang napatay at nasa 3,825 ang sugatan sa Ukraine.