LAOAG CITY – Umabot sa 27 pamilya ang naapektuhan sa nangyaring fish kill sa mga fish cages sa Barangay Gabu Sur dito sa lungsod ng Laoag.
Ayon kay Barangay Chairman Gil Ramos sa nasabing barangay, pawang mga alagang tilapiya ang namatay matapos naihalo ang mas maraming tubig mula sa dagat sa mga fish cages.
Kinumpirma ni Ramos na sa mga nagdaang araw ay may ilang tilapiya ang naitala nilang namatay pero nitong linggo lamang ay sabay-sabay na namatay ang maraming tilapiya.
Masama naman ang loob ng mga residente sa nangyari dahil karamihan sa mga nag-aalaga ng tilapiya sa nasabing barangay ay inuutang umano nila ang kanilang puhunan at ipinapakain.
Napag-alaman na ang mga namatay na tilapiya ay agad nilang ibinaon sa lupa dahil hindi na rin ito pwedeng itinda.
Inihayag din ni Ramos na nagtungo na rin ang mga kasapi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa kanilang lugar at nangakong magbibigay ng tulong pero kailangan munang iproseso ang mga kailangang dokumento.