LEGAZPI CITY- Nanawagan ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Bicol na bigyang pansin din ang mga mangingisda sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon kay BFAR Bicol spokesperson Nonie Enolva sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, hindi lamang mga PUV drivers ang dapat na bigyan ng ayuda kundi maging mga mangingisda na araw-araw ding gumagamit ng gasolina.
Napag-alamang mayroong rehabilitation funds ang ahensya na ibinigay ng pamahalaan para sa ayuda sa petrolyo ng mga fisherfolks.
Subalit paglilinaw ni Enolva na nakalaan ito para sa mga naapektuhan ng mga bagyong Rolly, Quinto, at Ulyses ng nakaraang taon at hindi para sa lahat.
Sa kasalukuyan kasi ay may mga mangingisda ang nagpahayag ng kanilang pangangailangan lalo pa’t magkakasunod ang naitatalang pagtaas ng presyo ng langis.