
Inanunsiyo ni Oriental Mindoro Gobernor Humerlito Bonz Dolor na maaari na ring makapangisdang muli sa tatlo pang bayan at lungsod sa nasabing lalawigan.
Kabilang dito ang Calapan city, Gloria at Bansud matapos pumasa ang mga ito sa pinakahuling pagsusuri sa kalidad ng tubig sa dagat at isda na isinagawa ng Bureau of Fish and Aquatic Resources (BFAR).
Sa mga nabanggit na bayan na ligtas ng pangisdaan, pinapayagan na rin ang water activities.
Matatandaan na una ng inalis ang fishing ban noong Mayo 8 sa sa mga bayan ng Baco, San Teodoro, Puerto Galera, Bongabong, Mansalay, Bulalacao at Roxas.
Samantala, sa kabuuang 10 bayan at isang lungsod na lifted na ang fishing ban, patuloy pa ring ipinapayo ng Provincial Health Office ng lalawigan na lutuing mabuti ang mahuhuling isda at suriin ang mga bahagi nito bago kainin. Hindi pa rin ipinapayong manguha ng mga shellfish o mga lamang-dagat na walang buto sa nasabing mga baybayin.
Sa kabila nito, nananatili pa ring epektibo ang fishing ban sa mga bayan ng Naujan, Pola at Pinamalayan na nasa 15 kilometer radius mula sa ground zero ng pinaglubugan ng Mt. Princess Empress.
Inaasahan naman na tatanggapnna ng emergency cash transfer assistance mula sa Department of Social Welfare and Development ang mga naapektuhan ng fishing ban at oil spill sa Oriental Mindoro sa Hunyo 1.
Ayon kay Gov. Dolor, nasa P12,000 ang matatanggap ng mga may-ari ng bangka habang P6,000 naman ang makukuha ng bawat mangingisda, fish vendor at mga nanghuhuli at nagbebenta ng mga shellfish.
Ipamimigay ang naturang assistance sa loob ng dalawang linggo.
Malugod ding ibinalita ng Gobernador na paparating na ang Dynamic Support Vessel (DSV) Fire Opal na nagmula pa sa bansang Singapore.
Dumaong na ito sa Subic Bay Freeport Zone at inaasahang dadating sa Batangas port sa ngayong araw, Mayo 29 na maglalayag patungo sa ground zero site ng lumubog na Mt. Princess Empress tanker upang isagawa rito ang pagsipsip ng natitira pang langis sa lumubog na tanker na tinatayang tatagal ng 20 hanggang 30 araw.