Pinapayagan ng mangisda ang mga residente sa lahat ng baybayin ng Oriental Mindoro limang buwan matapos ma-contain ang tumagas na langis mula sa lumubog na oil tanker na MT Princess Empress sa lalawigan.
Ito ang inanunsiyo ni Oriental Mindoro Governor Humerlito Bonz Dolor.
Pinakahuling tinanggal ang fishing ban sa may bayan ng Pola nito lamang araw ng Huwebes subalit ang paglangoy sa katubigan ng Pola ay ipinagbabawal pa rin dahil nananatili pa rin ang presensiya ng langis sa lugar ayon kay Pola Mayor Jennifer Cruz.
Base sa latest data ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), ang oil at grease levels sa karagatan ng Pola ay pasok sa Class SC standard at negatibo na sa Polycyclic Aromatic Hydrocarbons kayat ligtas na para pangisdaan ang baybayin ng Pola.
Matatandaan na noong Mayo, inanunsiyo ng Philippine Coast Guard na ganap ng natanggal ang oil spill mula sa lumubog na oil tanker subalit sinabi naman ni Pola Mayor Cruz na hindi pa ito hudyat ng pagtatapos ng krisis sa oil spill sa kanilang bayan.
Sa ngayon kasi, hindi pa aniya naibibigay ang compensation sa mga residente na naapektuhan ang kanilang kabuhayan dahil sa perwisyong idinulot ng oil spill.